Napakatagal
na rin nang huli akong magsulat ng mga prosa't talata. Ilang buwan na ring naging
matamlay ang tinta ng aking bolpen at iilang salita palang ang naisusulat sa
malinis na dilaw na papel. Sa sobrang tagal na ay nakalimutan ko na yata kung
paano bumuo ng talata para maging isang artikulo.
Ang
dami-rami namang nagyayari sa paligid kagaya noong nakaraang semestre,
pagkakulong at kadramahan ng mga politiko, patayan, child labor,
diskriminasyon, pambu-bully, kahirapan, bagyo, problema sa edukasyon, sa mga
pagtaas ng pasahe at gasolina, sa mga di matapos –tapos na iringan, sa
pag-aagawan ng teritoryo at marami pang iba ngunit wala pa rin akong matipuhang
paksa para isulat. Para akong naghahanap ng isang nawawalang bagay sa isang
bodegang tambak ng mga gamit na pinaglumaan na. Tama, naghahanap ako ng paksang
pupukaw sa interes kong magsulat at pumukaw ng damdamin ng mambabasa. Ngunit
parang naghahanap ako ng wala. Naghahanap akong mahanap ang isang mahirap na
bagay. Ang gulo ko no’?
Ang dami
– rami na kayang nilamukos na papel doon sa basurahan. Sulat ng iilang salita,
pag di nagustuhan, punit at tapon sa basurahan. Tamang-tama sila na ang
pinakamahirap sa pagsusulat ay ang pag-uumpisa. Ang dami raming ideyang
pumapasok sa utak mo ngunit nung ilalapat mo na ito sa papel ay bigla naman
itong mawawala (nakakainis kaya ang ganun). Ilan na kaya ang text at tawag ng
aking editor para kunin na ang artikulo pero wala pa rin akong maibigay, di pa
nga nangangalahati ang sinu-sulat ko (kaya kung binabasa mo pa rin ang artikulo
kong ito, sige, ipagpatuloy mo lang). Nakakahiya na tuloy, tsk.
Paano
kaya kung sabihin kong blangkuhan nalang ang espasyo kong ito? Iyong parihabang
box pero walang nakasulat? Pwede kaya yun? Kaya nga minsan naisip ko na sa
buhay ng tao, may mga pagkakataong na uubusan tayo ng salitang sasabihin,
nauubusan tayo ng mga ideyang ibabahagi, nauubusan tayo ng sense (kagaya ng
article na ito). Kaya isa iyang patunay na sa buhay ng tao, darating at
darating ang panahong mafi-feel mo ang emptiness.
Oh,
siguro hanggang ngayon iniisip niyo na walang sense itong pinagsasabi ko.
Bahala na kayo kung paano ninyo ia-analyze ang lahat ng sinulat ko sa patlang
na ito. Kaya kung nais ninyong punan ng mas mahalagang eksena o estorya ang
puwang na ito edi sana sumali kayo sa pahayagan. Pero salamat pala, salamat
kung hanggang dito ay sinamahan mo pa rin ako. Oo, ikaw na nagbabasa nito, kaya
hanggang dito na lang. Salamat ulit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento